Alleged Martial Law Victim Loses ₱1-M Check

Hindi makatulog, hindi makakain, at labis ang pag-aalala ng isang lolo ngayon matapos na maiwan sa taxi ang mahigit P1 milyong tseke na kaniyang nakuha mula sa pagiging torture victim, lalo't halos tatlong dekada niya rin itong hinintay.


Loading...
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing naiwan nina manong Orlando Arapol at dalawa niyang kasama sa tapat ng bangko sa Eliptical Road ang dilaw na folder na naglalaman ng tseke at mga ID ni Arapol.

Ang tseke ay nagsisilbing kompensasyon ni manong Orlando, na biktima ng pang-aabuso noong panahon ni dating pangulong Marcos.

"Nagbayad muna ako tapos sabi sa akin ng taxi driver, 'Wala na akong barya sir,' Sabi ko 'Sa'yo na 'yung sukli.' Tapos lumabas ako agad, tapos nakalimutan ko na bitbitin 'yung folder na nasa harapan ko kasi andami kong binibitbit no'n," sabi ni Johnron Dandoy, kasama ni Mang Orlando.

Nabigo rin silang makita sa CCTV ng MMDA sa Eliptical Road ang taxi dahil hindi raw ito nahagip ng camera.

Ayon kay Mang Orlando, parang na-torture uli siya sa nangyari.

Agad nilang sinabihan ang Human Rights Victims' Claims Board sa insidente pero dahil dissolved na noong Mayo 12 ang ahensya, wala silang magagawa sa ngayon.

Nasisisi ang dalawang kasama ni Mang Orlando.

"Iyak kami nang iyak tapos 'yung mga tao sa amin ayaw maniwala na nawala. Sinasabi nila ini-scam daw naming dalawa kasi hindi kasi siya (Manong Orlando) side sa akin, 'yung asawa niya lang ang side ko," sabi ni Marichel Dandoy, pamangkin ni Mang Orlando.

Hinihiling nila na magmamagandang loob ang driver ng nasakyang taxi o sinumang nakapulot sa dilaw na folder na naglalaman ng tseke at mga I.D. ni Mang Orlando.

"Sa taxi driver na nakapulot or nakadala po ng dilaw na folder, kung puwede pakihatid na lang po sa mismong estasyon ng GMA, maraming salamat po sa inyo," sabi ni Manong Orlando.

Sa panayam ng GMA News sa telepono, sinabi ni HRVCB chairman Lina Sarmiento na pinag-aaralan ng mga abugado nila kung paano masosolusyunan ang problema ni Mang Orlando.
Ipinagbigay alam na raw nila sa bangko ang sitwasyon ni Manong Orlando. GMA News


Loading...

Comments